Home » Post Item » Api paders day
Api paders day
June 20, 2010Api Paders day sa lahat ng tatay at sa mga hindi alam na tatay na pala sila.
Hindi katulad ng ibang tatay, hindi kami gaano kaclose ng tatay ko. Hindi kami nagkalaro sa sports nung lumalaki. Hindi kami magkatulad ng hilig na pagkain. Hindi kami ng magkatulad na libangan. Hindi nya nga ako naiintindihan minsan, pero hindi lang naman siya eh.
Lumaki ako sa pamilya na apat kami magkapatid. Nung una, ako pa ang bunso, pero ikatlo na ngayon. Mula nung maliit pa ako, lagi ko naririnig ang utos ni tatay. Pagbuksan ko daw siya ng beer, kunin ko daw ang sigarilyo nya na nakalagay dun banda sa bintana, kunan ko daw siya ng toothpick. Magkawahig man daw kami, hindi ko naman noon nakikita ang hawig na yun. Hindi ko maintindihan ang tatay ko dati. Lagi na lang nasa trabaho, hindi naman sya sundalo pero kung pinapatawag sa trabaho, inuumaga na ng uwi.
Nagkasakit ang nanay ko dati, kinailangang punan ng tatay ko lahat ng responsibilidad bilang nanay at tatay ng tahanan namin. Hindi niya ata kinaya at humingi na siya ng tulong sa mga kapatid nya at sa mga kapatid ng nanay ko.hehehe. Nang bumuti ang lagay ng nanay ko, ilang taon lang at nagbuntis at ipinanganak ang bunso namin. Mas nawalan ng oras para samin ang tatay ko. Kailangan niya kasi magtrabaho ng doble kasi apat na kami.Naubusan na rin siya ng oras para sa sarili. Mismong ang linggo’ng para sa pahina at araw sa pamilya ay inuukol nya na rin sa mga kailangan pang trabaho sa opisina.Hindi nga pala nakatapos ang tatay ko sa kolehiyo, maaga kasi sila nagsama ni nanay. Pero kung titignan ko ngayon ang kalagayan namin, dinaig niya pa ang mga nakatapos ng kolehiyo. Hindi niya man natutunan ang mga kailangan niyang matutunana sa isang unibersidad, pinagsikapan nya naman itong matututunan sa trabaho. Napagkakamalan na nga siyang enhinyero ngayon eh.hehehe.
Mas naging busy si tatay lalo na nung 3 na kami sa kolehiyo,mas kinailangan na magsipag siya. Pero hindi nawalan ng pag-asa si tatay, trabaho pa rin ng trabaho. Wala nga ako maalalang pasko na nasa bahay siya buong gabi. Lagi niyang kailangag pumunta para magtrabaho. Tuwing selebrasyon naman ng bagong taon, umuuwi lang siya sandali para kumain, magpahinga ng konti at magsindi ng mga paputok nya at babalik rin siya agad sa trabaho. Masaya naman ang pamilya ko simula dati. Akala ko talaga dati wala akong namanang uagali sa tatay ko.
Hindi naman perpekto si tatay, ilang beses rin sila nag-away ni nanay dahil sa maraming rason, pero ayos naman sila ngayon. Mas naging “sweet” nga sila eh. Lagi na lang nagbibiruan.ahehehe.
Nung panahong naglalakad ako sa mga kalsada sa labas ng unibersidad, dun ko lang talaga naintindihan kung ano ang pinagkapareho namin ng tatay ko. “Bawal mag-absent dahil sayang ay matrikula…”. Halos wala nga pala akong absent sa kahit anong klase ko simula grade school, maliban na lang kung grabeh at nakakahawa na ang sakit. Tulad rin ni tatay na kahit kulang ang tulog at masakit ang katawan, kung kaya pangmagtrabaho ay magtrarabaho,wag sayangin ang oras at ang pera. Pareho nga pala kaming kuripot sa mga binabayaran naman dahil nung sumubok kami sa civil service exam, ako lang pala ang nagseryoso dahil ako lang nagreview ng puspusan dahil nga sabi ng tatay ko, wag sayangin ang perang binayad sa kahit ako dahil nga naman pawis nya ang puhunan dun. Pareho rin pala kaming maypagkasuplado ni tatay, hindi kami mahilig sa mga mahaba-habang party kasama ang mga hindi namin kilala. Pareho rin pala kaming mahilig sa mga educational shows, mga palabas na may matutunan ka talaga tulad ng national geographic.Sa ngayon ay pareho na rin pala kaming lumulobo ang tiyan.hehehe. Ang sarap kasi magluto ni nanay. Lamang lang si tatay dahil sa kakainom ng beer. Pero kahit anong hilig niyang manigarilyo at uminom. Ayaw na ayaw niya kaming makitang humihithit at umiinom, siguro dahil alam niya na ikasasama ito ng katawan namin. Andami pa pala naming pagkakapareho ni tatay. Sa ngayon ay papunta na naman siya para tignan kung may kailangan pa siyang tapusing trabaho.
Paders day ngayon. Sadyang “paders day” at hindi Fathers day ang inilagay ko. Bakit? Dahil hinahalintulad ko talaga si tatay sa isang pader at ako isang bloke ng halowblock. Malaki pa ang kailangan kong paglaki. Marami pa akong butas hindi tulad niya. Siya rin ang pader na gagayahin ko pag naging tatay ako.hehehe. Siya ang pader na bumuhat sakin at umintindi ng bumagsak ako sa subject ko sa school. Siya ang pader na puwede kong pagkatiwalaan dahil alam kong hindi siya mawawala. Siya ang pader na kahit anong hampas ko, sigurado akong hindi ako hahampasin. Siya ang pader na aking sinandigan. Siya ang pader na gumabay pala sakin ng hindi ko man lang alam o napansin. Pero humihina na si tatay, tumatanda na. Hindi ko alam kung hanggang kelan pa siya magiging matayog kaya kailangan ko ng maging pader. Para ako naman ang sandalan nila hanggang sa huli.
api PADERS DAY TAY…
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.


